Sa panibagong segment ng SBS Filipino na Pinoy Throwback Thursday, binalikan natin ang kwento sa likod ng sikat na awit ni Megastar Sharon Cuneta na 'Mr. DJ' na isinulat ni Rey Valera.
Ayon kay Rey Valera, dose anyos pa lamang si Sharon nang binigyan siya ng assignment na magsulat ng awit para sa kanya.
"Isa sa mga assignment ko noon ay si Sharon Cuneta, bata pa siya noon, anak siya ng Mayor, pamangkin siya ng boss namin na si Senator Tito sotto."
Bago pa man nag-hit ang Mr. DJ, may single na si Sharon noon na pinamagatang 'tawag ng pag-ibig' na hindi sumikat.

Sharon Cuneta during the 80's Source: Rey Valera Facebook page
Pagbahagi ni Ginoong Valera, naging hamon sa kanya ang pagsusulat ng awit para kay Sharon dahil sa kanyang edad.
"Naging challenge sa akin, paano ko ba pasisikatin ang batang ito. Naku po. Paano ko igagawa ng kanta ang isang 12 years old na bata. Alanganing mag nursery rhyme, alanganin din mag love song."
Naisulat ni Rey Valera ang awit sa loob ng isang jeep habang papauwi siya sa Bulacan sa loob ng trenta minutos.

Rey Valera and Sharon Cuneta Source: Rey Valera Facebook page
"Papauwi ako noon from monumento papuntang Bulacan. Habang tumututog ang jeep naisip ko kung igagawa ko ng kanta ang batang ito dapat hindi siya makilala. Kailangan patugtugin ng announcer na hindi makikilala ang bata na yon. Pagbalik ko sa Mecauayan, halos 30 minutes ko ginagawa sa jeep ang kanta."
Hindi tinanggap ni Sharon ang kanta noong una dahil Taglish umano ang awit.
"Sinubmit ko ang kanta kinabukasan. Hindi tinaggap ni Sharon yun at first kasi Taglish daw. Nung narinig ni Tito Sotto, sabi nila goldmine daw."
Dahil sa awit ay nakilala at sumikat si Sharon Cuneta at naging hit song ang Mr. Dj sa Loob ng maraming taon.
"Naging Sharon siya at naging ganun ang response ng mga tao sa kanta. Siguro 6 months to 1 year pinatugtog ang kanta sa radyo."
Ito na din ang naging tulay ng tuloy tuloy na pagsikat ni Sharon Cuneta at kalaunan ay binansagan bilang the Megastar.