Likas na sa mga Pilipino na nasa abroad ang pag-iipon ng gamit at mga grocery items bilang panregalo sa mga kaibigan at kapamilya sa Pilipinas.
Pero ang ilang mga Pilipino sa Western Australia ay nangangamba sa mga balikbayan box na naipadala nila dahil matapos ang bagyo dagdagan pa ng pandemic ay baka hindi makarating ang mga padala nila sa tamang oras.
Ayon naman kay Elim Moreno, administrator at nagsisilbing ahente ng isang freight forwarder sa Perth, tumatagal umano ng anim hanggang walong linggo ang shipment kaya nagtalaga sila ng cut off days noong mga nakaraang buwan para sa mga Pilipinong nais na makarating ang balikbayan box bago ang Pasko.
Nagbigay naman ito ng paalala upang maiwasang maantala ang pagpapadala:
Una ay sigiraduhing wala itong ipinagbabawal na gamit tulad ng baril, droga, pera, at alahas.
Pangalawa, i-declare ang lahat ng laman ng balikbayan box sa packing list.
Pangatlo, itago ang lahat ng resibo tulad ng cargo receipt.
Pang apat, i-monitor ang galaw ng inyong ipinapadala.
At ang pinaka importante ay siguraduhing accredited ang freight forwarder na gagamitin.
Makikita sa website ng Philippine Department of Trade and Industry o DTI and listahan ng mga accredited freight forwarders.
Samantala, ang mga balikbayan box naman na makakarating sa Pilipinas ay dumadaan pa rin sa K9 inspection at X-ray upang masiguro na ligtas ito bago makarating sa mga mahal sa buhay ngayong Pasko.